May 28th, 2025
“Tayo na lang halos ang bansa na sa mismong airport pa lang, pinaghihinalaan ka na agad.”
LIGAO CITY — Inihayag ni Congressman-elect Adrian Salceda ng Ikatlong Distrito ng Albay na isa sa kanyang unang hakbang sa pag-upo sa Kongreso ngayong Hulyo ay ang paghahain ng panukalang batas na magtatanggol sa karapatan ng mga Pilipino na makalabas ng bansa nang hindi inaabuso o pinapahirapan sa immigration.
“Halos lahat ng ibang bansa, kahit kapantay natin sa antas ng kaunlaran, ay hindi ganyan ka-strikto sa outbound immigration. Sa atin, ang default ay parang may kasalanan ka na agad. Hindi ito makatarungan, at lalong hindi makatao,” ani Salceda.
Giit ng Congressman-elect na kasalukuyan ding Mayor ng bayan ng Polangui, Albay, nagbubukas ito ng napakalawak na puwang para sa pang-aabuso at korapsyon. “Kung discretionary o pahula-hula lang ang batayan, may espasyo diyan para sa lagayan, para sa ‘pakiusap,’ o kahit simpleng pang-aabuso sa kapangyarihan.”
“Ang isa sa mga biktima nito lagi, mga kababaihan. Isa pa, mga kabataan—lalo na ‘yung mga first-time travelers. Sila ang madalas tanung-tanungin, kuwestyunin, at minsan pinapahiya pa. Minsan, ang tanging dahilan lang ay mukhang hindi ‘afford’ magbiyahe. Hindi ito tamang basehan.”
Sa ilalim ng isinusulong na “Filipino Travelers’ Rights Act,” ilalagay sa batas ang mga tiyak at malinaw na batayan kung kailan lang maaaring pigilan ang isang Pilipino sa pag-alis ng bansa. Lahat ng offloading ay kailangang may dokumentado at maipapakitang legal na basehan.
“Hindi sapat ang ‘suspetsa lang.’ Dapat may court order, may kaso, o may intelligence referral mula sa IACAT. Hindi puwedeng profiling lang o dahil mukhang OFW ka,” paliwanag ni Salceda.
Bukod sa pagbibigay-linaw sa mga karapatang ito, isinusulong din ng panukala ang pagkakaroon ng isang online pre-clearance system kung saan maaaring i-upload ng mga biyahero ang kanilang proof of income, airline booking, hotel accommodation, at itinerary upang hindi na sila kailangang dumaan sa mahabang interview sa immigration.
“Gamitin natin ang teknolohiya para bawasan ang face-to-face na interaksyon. Mas dapat ituon ng immigration ang oras at pondo nila sa mga dumarating—lalo na sa mga posibleng sangkot sa transnational crime, tulad ng mga dayuhang overstaying o sangkot sa sindikato,” dagdag pa ni Salceda.
“Hindi dapat maging pribilehiyo lang ng mayayaman ang makalabas ng bansa. Ang kalayaan sa paglalakbay ay karapatan ng lahat ng Pilipino. Ang papel ng gobyerno ay protektahan ito.” pagtatapos niya.
Ang panukalang ito ay inaasahang ihahain ni Salceda sa unang linggo ng kanyang panunungkulan sa Hulyo 2025.