Press Releases

Salceda: Panukalang Batas para sa Mas Flexible na Kolehiyo, Ihahain sa Hulyo

May 29th, 2025

Opsyonal na dalawang taong General Education diploma at full credit transfer sa mga pampublikong unibersidad isinusulong

LIGAO CITY — Inihayag ni Congressman-elect Adrian Salceda ng Ikatlong Distrito ng Albay na ihahain niya sa Hulyo ang isang panukalang batas upang gawing mas makatao at mas angkop sa tunay na kalagayan ng mga estudyante ang sistema ng kolehiyo sa bansa.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng opsyon ang mga estudyante na kumuha ng dalawang taong General Education o GE diploma bago nila kunin ang “major subjects”. Hindi ito magiging sapilitan kundi isang alternatibong landas para sa mga estudyanteng hindi pa sigurado sa kursong tatahakin o sa mga nakapasa sa isang pampublikong unibersidad ngunit hindi sa kursong nais nila.

“Wag nating pilitin kung hindi pa talaga nakakapamili. I-expose muna sa college para makita kung saan talaga sila bagay,” ani Salceda. “Ito dapat ang role ng K to 12 pero hindi naman napagana. Kaya dapat may remedyo na mas akma sa realidad.”

Tamang pundasyon muna bago pumasok sa espesyalisasyon

Ayon kay Salceda, ilalagay sa unang dalawang taon ang mga asignaturang itinakda ng CHED para sa General Education curriculum tulad ng Understanding the Self, The Contemporary World, Mathematics in the Modern World, Purposive Communication, Science Technology and Society, Art Appreciation, Ethics, Readings in Philippine History, at Life and Works of Rizal.

Kapag nakumpleto ang tatlumpu’t anim na yunit ng GE, maaaring tumanggap ang estudyante ng General Education Certificate na maaaring gamitin upang magpatuloy sa kursong pinili, lumipat ng programa, o magpalipat ng paaralan nang hindi inuulit ang mga natapos na subject.

Makakatulong sa mga estudyanteng walang pribadong opsyon

“Marami sa mga estudyante natin ang napipilitang tumigil kasi hindi nila nakuha ang kursong gusto nila at wala silang pambayad sa private school. Pero kung may ganitong opsyon, hindi masasayang ang panahon nila,” ani Salceda.

“Nakita ko kasi ang daming pumasa sa BUCET na napilitan lang sa kurso nila o pumasa sa Bicol University pero walang mapaglagyang kurso. Hindi dahil kulang sila sa galing kundi kulang tayo sa flexibility. Ayusin natin iyon.”

Buong credit transfer sa pagitan ng mga pampublikong unibersidad

Ipinapanukala rin ng batas ang garantiyang maikikredito ang lahat ng GE subjects sa paglipat mula sa isang pampublikong unibersidad patungo sa iba basta’t alinsunod ito sa CHED core curriculum.

“Kung naipasa na, dapat ikredito na. Hindi na dapat inuulit pa ang subject lalo na kung pareho naman ang curriculum,” ani Salceda.

Solusyon sa pagka-dropout, pagkaantala, at matagal na pananatili sa kolehiyo

Ayon sa datos ng CHED, isa lamang sa bawat limang college enrollees ang nakapagtatapos taon-taon, bunsod ng course mismatch, hindi maagang pagkakapili ng track, at mahirap na proseso sa paglipat ng kurso o paaralan.

“Hindi lang ito tungkol sa dropout. Marami rin ang umaabot ng anim o pitong taon bago makatapos ng apat na taong kurso. Kung matutulungan nating mapabilis iyon, makakatipid din ang gobyerno sa tuition subsidy at mas maagang makakapagtrabaho ang mga kabataan,” paliwanag ni Salceda.

“Ang layunin ng panukalang ito ay gawing normal ang pagdadalawang-isip at gawing maayos ang pagre-realign ng landas. Dapat may espasyo ang mga estudyante para magbago ng isip nang hindi nawawalan,” pagtatapos niya.

Inaasahang ihahain ang panukalang batas sa unang linggo ng Hulyo 2025.

Para sa katanungan: office@repsalceda.org


 

Other Press Releases
SALCEDA FILES BILL TO ABOLISH REGIONAL WAGE RATES, PUSHES FOR “EQUAL PAY FOR EQUAL WORK” NATIONWIDE
Read More
CONGRESSMAN RAYMOND ADRIAN SALCEDA FILES FREEDOM OF INFORMATION BILL ON DAY ONE
Read More
Salceda proposes strategy to accelerate nearly ₱1 trillion in delayed ODA projects, backs Marcos infrastructure agenda.
Read More
Statement on recent US involvement in Iran-Israel tensions 
Read More